NGCP, iginiit na Pilipino ang nagpapatakbo rito

Binigyang-diin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na Filipino ang nagpapatakbo rito dahil 60% ng shares nito ay pag-aari ng mga Pilipino.

Tugon ito ng NGCP Assistant Vice President for System Operations Clark Agustin sa hiling ng mga kongresista na isiwalat kung sino ang nagpapatakbo sa NGCP na syang nag-iisang power grid operator sa bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises ay sinabi ni Agustin na 40% na shares lamang sa NGCP ang hawak ng State Grid Corporation of China na umaayon sa itinatakda ng batas para sa dayuhang mamumuhunan.


Mariin ding itinanggi ni Agustin na mayroong single button na maaring mag-shut down sa NGCP.

Ayon kay Agustin, sumusunod ang NGCP sa internal procedures na nakasaad sa Philippine Grid Code at mayroon din itong mga nakalatag na proseso para sa maintenance at mayroon din para sa emergency.

Dagdag pa ni Agustin, mayroon ding control centers ang NGCP sa Luzon, Visayas at Mindanao at imposibleng mangyari na maging daan ito para maputol ang suplay ng kuryente sa buong bansa.

Facebook Comments