Hiniling ni Senator JV Ejercito na mapasailalim sa kontrol ng gobyerno ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Kaugnay na rin ito sa nararanasang kakulangan sa suplay ng kuryente sa bansa dahil sa pagpalpak ng mga transmission system na pinangangasiwaan ng NGCP.
Ayon kay Ejercito, ang NGCP ay itinuturing na backbone ng electricity sa bansa at sa isang ‘switch’ lang nito ay maaaring maparalisa ang ating buong ekonomiya.
Aniya, 40 percent ng NGCP ay pagmamay-ari ng Chinese government at nakakabahala pa ang ulat na kahit 40 porsyento lang ang kanilang ownership ay kontrolado ng China ang operasyon ng nasabing pasilidad.
Giit ni Ejercito, ang ganitong utilities na may kinalaman sa ‘national security’ ay marapat lamang na mapasailalim sa kontrol ng pamahalaan.
Nangangamba rin ang senador na dahil sa may dispute ang Pilipinas at China sa West Philippine Sea, hindi malabong nagagamit ng China ang NGCP at ang iba pang kasunduan para ma-monitor at mapasok ang bansa.