Itinanggi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na banta sa national security ng Pilipinas ang 40% na pagmamay-ari sa kanila ng State Grid of China.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo na may mga intelligence report na nakarating sa kanya na may national security threat ang 40% na pag-aari ng China sa NGCP.
Batay umano sa Intel Report ay maaaring ma-access ng China ‘remotely’ ang ating mga transmission facilities at sa isang click lang ng remote ay maaari tayong isabotahe.
Hindi aniya malabong matulad tayo sa nangyari sa Russia at Ukraine lalo pa’t may sigalot ang China at Pilipinas sa West Philippine Sea.
Pero paliwanag naman dito ni NGCP Asst. Corporate Secretary Atty. Ronald Dylan Concepcion, mali aniya ang impormasyon na ito dahil ang NGCP facilities ay pinatatakbo ng mga Pilipino.
Dagdag pa nito, kung may Chinese national man sa NGCP ito ay ang tatlong mga board members ng korporasyon.
Ikinatwiran pa ni Concepcion na noong 2019 o 2020 dumaan sa inspeksyon ng National Security Council na pinamumunuan noon ni Hermogenes Esperon Jr., ang buong pasilidad ng NGCP pero agad na sinopla ito ni Tulfo at sinabing nakasaad sa report na may ‘vulnerability’ sa sistema.
Hindi kumbinsido si Tulfo sa mga naging paliwanag ng NGCP dahil hanggat 40% ng korporasyon ay pagaari ng dayuhan at hindi 100 percent na Filipino-owned, hindi malayong ma-hack at mapasok ng China ang ating bansa.