NGCP, nagisa sa unang araw ng pagdinig sa Senado tungkol sa power outage sa Panay Island

Screen capture from Senate of the Philippines | YouTube

Kinwestyon ni Tulfo ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung bakit wala itong ginawa sa loob ng dalawang oras na maaari sanang naagapan ang pag-trip o pagpalya ng ibang mga power plants.

Batay sa ulat ng Department of Energy (DOE), noong January 2 ng pasado alas-12:06 ng tanghali nang pumalya ang unit 1 ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) matapos na magkaroon ng internal problem sa kanilang system at matapos ang dalawang oras ay sunud-sunod na ang nangyaring shutdown sa mga power plants bunsod ng hindi balanseng boltahe.

Sinita ni Tulfo ang NGCP dahil kung nagawan ng paraan at kung nasusuri ang regular maintenance sa mga planta ay posibleng naagapan ang problema at hindi sana umabot ng ilang araw ang blackout kung saan maraming kababayan, kabuhayan, at serbisyo ang naapektuhan.


Pero katwiran dito ni NGCP Officer-in-Charge-Assistant Vice President at National Systems Operations Head Clark Agustin, sa loob kasi ng dalawang oras na iyon ay normal at stable naman ang voltage at frequency at wala ring overloaded na mga linya kaya naman normal lamang din ang naging dispatch nila sa kanilang systems operation.

Bukod dito, sinusunod lamang nila ang protocol ng Philippine Grid Code (PGC) kung saan hindi sila pinapayagang magpatupad ng mga manual corrective actions habang normal ang kondisyon o kung wala pa namang problemang nangyayari.

Sinagot din ni Agustin na ang maintenance ng mga power plants at units ay hindi trabaho o responsibilidad ng NGCP kundi mismong ang generating companies na.

Magkagayunman ay galit na pinuna ni Tulfo ang ginawa ng NGCP at nagbanta na dapat silang tanggalan na ng prangkisa dahil pilit nilang iginigiit na normal pa ang kondisyon sa gitna ng pagpalya ng iisang power plant at mayroon pang isang planta ang naka-schedule na mag-shutdown.

Facebook Comments