Inalmahan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang paratang na nabigo ito sa obligasyon na mapatatag ang transmission system sa lugar pati na ang hindi nila pagiging transparent sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko.
Sa isang pahayag, sinabi ng NGCP na palagi umano ang pagbibigay nila ng update sa lahat ng stakeholders, local government units (LGUs) at pati na sa media.
Dagdag ng NGCP, ang mandato nila ay nakatuon lamang sa paghahatid ng kuryente mula sa mga producer patungong grid-connected areas sa bansa.
Dagdag pa nito, bilang transmission service provider ay maaari lamang silang magbigay ng overview ng kasalukuyang sitwasyon sa supply at demand at mag-dispatch ng magagamit na kuryente.
Hindi rin anila sila maaaring makialam sa mga usapin ng power generation.
Giit din ng grid operator, ang hindi planadong shutdown ng power generators ang malinaw na dahilan ng brownout sa Panay Island.
Sa halip anila na gamitin sila bilang scapegoat, hinimok ng NGCP ang mga policymaker na maging patas sa paghahanap ng impormasyon at huwag protektahan ang ilang sektor.