Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian, dapat mapanagot ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos ang power outages na naranasan sa maraming lugar sa Luzon.
Kasunod na rin ito ng pag-break down, ng Bolo-Masinloc 230 kV Line 2 na nagresulta rin sa pag-trip o pagpalya ng Masinloc units 1 and 2 na nauwi sa red at yellow alerts.
Partikular na kinalampag ni Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na patawan ng parusa ang NGCP sakaling mapatunayang may negligence sa nasabing transmission concessionaire.
Kinokundena ng senador ang palpak na serbisyo ng NGCP, dahil nagdulot ito ng malaking abala sa mga residente at sa mga negosyo ngayon pang nakakaranas ang bansa ng pagtaas sa heat index.
Sinabi ni Gatchalian, walang “valid excuse” para sa NGCP dahil sa kapabayaan nitong magsagawa ng komprehensibong audit sa mga pasilidad, lalo’t batid naman na may nauna nang system disturbances na nauwi sa brownout sa mga isla ng Panay at Negros.
Hindi aniya katanggap-tanggap na patuloy na nagdudusa ang mga kababayan, dahil sa kakulangan ng sapat na kuryente at ang kawalan ng paghahanda sa mga ganitong pangyayari.