
Magsasanib-pwersa ang National Housing Authority (NHA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa implementasyon ng 1.8 billion pesos na pondo para sa informal settler families (ISFs) sa Luzon ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Ito ay para tugunan ang mga relokasyon ng mga ISFs sa Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon.
Binigyang-diin ni NHA General Manager Joeben Tai na ang naturang partnership ay sinisigurado ang pinakamataas na pamantayan pagdating sa istraktura at transparency ng implementasyon ng mga proyekto.
Batay sa memorandum of agreement na nilagdaan ng dalawang ahensya, ang DPWH ang siyang magpopondo sa mga proyekto sa ilalim ng Comprehensive Integrated Housing Program at Resettlement Program ng NHA.
Habang ang NHA naman ang lead agency sa pagpapatayo at pagsasagawa ng mga proyekto sa ilalim ng mga nabanggit na programa para matiyak ang maayos na paglipat ng mga pamilya.
Samantala, sisiguruhin naman ng DPWH na tuluy-tuloy ang pagpopondo para sa implementasyon ng mga naturang proyekto.
Bukod pa rito, DPWH din ang tutulong pagdating sa pagkuha ng clearance mula sa mga lokal na pamahalaan at iba pang kauukulang ahensya.










