NHA at main contractor sa Yolanda housing, posibleng maharap sa patung-patong na kaso

Manila, Philippines – Malaki ang posibilidad na maharap sa patung-patong na kaso ang mga opisyal ng National Housing Authority at ang main contractor ng Yolanda housing na JC Tayag Inc.

Sa pulong balitaan ng House Committee on Housing and Urban Development, sinabi nina Committee Chairman Albee Benitez, Eastern Samar Rep. Ben Evardone at Leyte Rep. Vicente Veloso na malaki ang tsansang maharap sa kasong estafa at plunder ang JC Tayag Inc. habang gross negligence naman sa panig ng NHA.

Sa isinagawang public hearing ng komite sa Eastern Visayas, lumalabas na 60% ng 60.2 Billion na pondo para sa pabahay ng mga Yolanda victims ang nagamit na pero napag-alamang substandard ang mga materyales na ginamit dito.


Maliban dito, sa 200,000 housing units na target na maipatayo nasa 11.4% pa lamang ang okupado ng mga residente o mahigit 23,000 units.

Sa kabuuang bilang ng housing units, 33% pa lamang dito ang natapos na pero hindi naman tinitirahan ng mga tao dahil sa takot na mapahamak pa sila sa substandard na pabahay.

Nasa 60% na rin ng kabuuang bilyones na pondo ang nailalabas o nagagamit para sa pagtatayo ng pabahay sa mga lalawigang tinamaan ng bagyong Yolanda.
Bukod dito, nagkaroon din ng kapabayaan sa panig ng NHA dahil pinayagan ang subcontracting ng walang inilalabas na approval mula sa ahensya.

Mababatid na si Engr. Camilo Salazar, kinuhang subcontractor ng JC Tayag Inc., ang nagbunyag sa mga substandard na materyales na ginamit sa pabahay at iba pang iregularidad.

Dahil dito, hiniling ni Benitez ang joint hearing ng kanyang komite at ng House Committee on Good Government and Public Accountability upang malaman ang katotohanan at maparusahan ang dapat na mapanagot sa substandard na pabahay sa Visayas.

Facebook Comments