Nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa National Housing Authority (NHA), Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD at iba pang ahensya ng gobyerno na tutukan ang pagbibigay ng solusyon sa mga problema sa mga proyektong pabahay ng gobyerno.
Ginawa ng pangulo ang utos matapos pangunahan ang ceremonial turn over ng mahigit 1,000 housing units sa Malabon City na bahagi ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing program.
Sa talumpati ng pangulo, sinabi nitong dapat na tiyakin ng NHA at DHSUD na walang sinuman ang maiiwanan at mapapabayaan sa patuloy na pagsulong para sa pag-unlad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng disenteng pabahay sa mga Pilipino.
Hinikayat din ng pangulo ang mga benepisaryo na patuloy na suportahan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan na naglalayong matulungan at mapabuti ang antas ng pamumuhay ng bawat isang Pilipino.
Kanina ay una nang pinangunahan ng pangulo ang groundbreaking ceremony ng panibagong pabahay ng gobyerno sa Arkong Bato Valenzuela City kung saan mahigit 20,000 square meter na lupa at pagtatayuan ng 20 na tig-5 palapag na gusali.
Ito ay mapapakinabangan ng 1.3 milyong informal settlers sa bansa.
Bukod dito, pinangunahan din kanina ng pangulo ang ceremonial turnover ng 1,380 housing units sa St. Gregory Homes Housing Project sa Malabon City.
Ang Marcos administration ay may target na makapagtayo ng 1 milyong pabahay kada taon o anim na milyong housing units sa loob ng anim na taon.