NHA, dumepensa sa pahayag ni VP Robredo sa umano’y mabagal na rehabilitasyon ng Marawi

Naniniwala si Roderick Ibañez, pinuno ng Marawi housing project management office na nabibigyan ng maling datos si Vice President Leni Robredo patungkol sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng mga nasirang kabahayan sa Marawi City.

Kinukuwestyon ni VP Robredo, ang tila kawalang-aksyon ng gobyerno na muling itayo ang nasirang mga kabahayan gayong mayroon naman aniyang nakahandang ‘financial resources’ para dito.

Ginamit ni Robredo na basehan ang Commission on Audit (COA) report na nagsasabing sampung milyong piso lamang ang nagagastos na pondo ng Office of Civil Defense (OCD) mula sa P36.9 million na donasyon para sa Marawi.


Handa naman si Ibañez na bigyan ng NHA report ang bise presidente kapag ito ay kanyang naisin.

300 araw lamang aniya ay maitatayo na ang isanlibong bahay pero malaking hadlang sa rehabilitasyon ang kawalang-kakayahan ng Local Government Unit (LGU) na ibigay ang lupang pagpapatayuan para dito.

Ipinagmalaki ng NHA na nasa 36 percent na ang kanilang natatapos magmula nang umarangkada ang konstruksyon ng mga pabahay.

Sinabi ng NHA na mula sa 6,932 units ay nasa 1,608 na ang nagawa at nai-award sa mga residente sa most affected areas.

Mula sa naturang bilang, nasa 1,052 na daw ang naitayo sa Sagonsongan habang 711 naman sa Boganga.

Batay sa inilabas na timeline, target ng NHA na matapos sa Disyembre hanggang second quarter ng 2020 ang dagdag na 300 housing units sa Sagonsongan, 789 sa Boganga at 1,000 sa Rorogagos.

Facebook Comments