Personal na nagtungo sa Estero de Magdalena sa Binondo, Maynila ang General Manager ng National Housing Authority (NHA) na si Joeben Tai.
Ito’y para makita ang sitwasyon at malaman ang kalagayan ng mga residente na nadamay sa pagbagsak ng puno ng Balete kung saan dalawa ang kumpirmadong nasawi at 40 pamilya ang nadamay.
Unang nagsagawa ng interview ang mga tauhan ng NHA sa mga residente sa Estero de Magdalena para makuha ang kanilang impormasyon.
Sa pahayag naman ni GM Tai, pinamamadali na niya ang pagsasagawa ng profiling at evaluation upang agad na mailipat ang mga nakatira sa nasabing estero.
Aniya, handa naman na ang mga bahay na malilipatan kung saan isa ito sa kanilang mandato na mabigyan ng mas maayos at ligtas na matitirahan ang mga nakatira sa gilid ng estero gayundin sa ibang mapanganib na lugar.
Sinabi ni GM Tai na sasalain nilang maigi ang bawat residente o pamilya para masiguro na hindi sila ang mga naunang nabigyan ng pabahay ng gobyerno.
Dagdag pa ng pinuno ng NHA, nagtungo siya sa Estero de Magdalena upang masolusyunan ang problema ng mga residenteng naapektuhan ng pagbagsak ng puno at patuloy silang makikipag-ugnayan sa ibang ahensiya ng pamahalaan para mas mapabilis pa ito.