Tiniyak ng pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) na may superbisyon sa Magat Dam na nakahanda silang harapin ang anumang reklamong ihahain laban sa kanila kaugnay ng pagpapakawala ng tubig sa naturang dam na sinasabing dahilan ng malawakang pagbaha sa Cagayan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NIA Administrator RGen. Ricardo Visaya na magandang oportunidad ito upang ma-review ang protocol sa pagpapakawala ng tubig sa dam.
Iginiit ni Visaya na tumalima sila sa pinaiiral na protocol na noon pang 2006 nabuo.
Paliwanag pa nito, ipe-presinta ng Reservoir Dam Division ng Magat ang mga dokumento na kanilang isinagawa noong kasagsagan nang pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sa ngayon aniya ay nasa 191.93 meters ang antas ng tubig sa Magat Dam na mababa sa 193 meters na spilling level nito.
Isang gate pa aniya ng dam ang nakabukas sa ngayon na nagpapakawala ng 646 cubic meter per second na tubig.
Samantala, sa mga nananawagan naman ng kanyang resignation sinabi ni Administrator Visaya na karapatan nila ito at kanyang iginagalang ang kanilang opinyon.