CAUAYAN CITY – Nagbigay paliwanag ang pamunuan ng NIA MARIIS hinggil sa pagpapakawala ng tubig sa dam matapos ang sunod-sunod na bagyo at pag-ulan sa Cagayan Valley at mga kalapit na probinsya.
Isa sa pinakamahabang ilog ang Cagayan River sa bansa kung saan ay mabilis na umaapaw kapag mataas ang tubig mula sa mga tributaryo nito, kabilang na ang Magat River.
Ayon sa mga awtoridad, ang Magat Dam ang tanging dam sa rehiyon na may kontrol sa daloy ng tubig mula sa Magat River.
Kapag inaasahan ang malakas na ulan at bagyo, nagbubukas sila ng Spillway Gates nang maaga para bawasan ang tubig sa dam.
Ginagawa ito batay sa forecast ng PAGASA at actual recorded rainfall.
Samantala, ayon sa NIA MARIIS, kung walang Magat Dam para saluhin ang tubig mula sa Magat River, mas malawak pa ang posibleng baha na aabot sa Cagayan River at sa mga kalapit nitong lugar.