NIA, pinagpapaliwanag sa nasayang na pondo sa isang irrigation project

Pinagpapaliwanag ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang National Irrigation Administration (NIA) kaugnay ng naaksayang pondo sa Balog-Balog Multipurpose Project sa Tarlac, na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos.

Nangangamba si Lacson dahil mahigit P7 bilyon ang inilaan para sa proyekto mula 2015 hanggang 2020.

Ang Phase 2 ng proyekto, na dapat natapos noong 2018, ay nagkakahalaga ng P13.37 bilyon.

Iginiit ni Lacson na maraming dapat ipaliwanag ang NIA dahil posibleng mayroon umanong matitinding anomalya sa implementasyon nito.

Ayon sa senador, hindi dapat limitado sa budget deliberations ang pagtalakay sa isyu, kundi kinakailangang masusing tutukan upang malaman kung bakit naantala ang proyekto at paano nasayang ang pondo.

Samantala, sa kanyang interpellation, tinukoy ni Senator Rodante Marcoleta na humihingi pa ang NIA ng P261 milyon taon-taon para sa maintenance at repair ng Balog-Balog Project, sa kabila ng hindi pa ito lubos na napapakinabangan.

Facebook Comments