NIA, sinisi sa krisis sa bigas, pag-apruba sa budget ng ahensya, ipinagpaliban ng Senado

Ibinato ni Senator Raffy Tulfo sa National Irrigation Administration (NIA) ang sisi sa nararanasang krisis sa bigas.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 31.2 billion na budget ng NIA sa 2024, sinisi ni Tulfo ang kapalpakan ng ahensya na aniya’y mas inuna pa ang pangungurakot kesa sa pagtatrabaho.

Aniya, mataas sana ang rice production ng bansa kung nabigyan ng patubig ang maraming lugar lalo ngayong may El Niño.


Kinastigo rin ni Tulfo ang patuloy na panghihingi ng NIA ng P800 million para sa repair and maintenance ng mga irrigation projects gayong ilan sa mga proyekto nito ay hindi pa tapos o nakatengga lang.

Hindi naman kumbinsido si Tulfo sa mga katwiran sa kanya ni NIA Acting Administrator Eddie Guillen na malaking bahagi ng naturang pondo ay para sa operations.

Dahil sa mga problemang inungkat ng mga senador ay ipinagpaliban muna ng Senate Committee on Finance ang pagapruba sa 2024 budget ng NIA.

Giit ni Tulfo, Kailangang masagot muna ng ahensya ang mga isyu ng iregularidad sa mga programa dahil pera ng taumbayan ang ginagamit ng NIA dito.

Facebook Comments