Umaasa ang National Irrigation Administration (NIA) na makakabawi at magiging maganda ang aanihing palay ng bansa sa susunod na cropping season.
Ito ay kasunod ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen, hindi naman gaanong naapektuhan ang mga tanim na palay sa nagdaang kalamidad, dahil karamihan aniya sa mga apektado ay ang mga high value crops, tulad ng mais at gulay.
Aniya, nasa 20% lamang ang naapektuhang palayan sa Ilocos Region na matinding sinalanta ng bagyo, kung kaya’t nakikita nilang magiging maganda ang ani sa susunod na taniman.
Dagdag pa ni Guillen, target nilang magbigay ng farm input sa mga magsasaka bago pa sila magpalabas ng tubig, kahit pa makararanas na ng epekto ng El Niño ang bansa ngayong kwarter ng taon.