Ibabalik na rin ang night classes sa ilang mga unibersidad at kolehiyo sa muling pagpapatupad ng face-to-face classes.
Dahil dito, nangangamba ang ilang mga magulang at estudyante para sa kanilang seguridad kung kaya’t umaapela ang mga ito na sana ay may mga patrol na iikot para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga anak.
Ang isang maritime school naman sa Pasay City, tiniyak na may roving guards sa kanilang paaralan at nakipag-ugnayan din ang pamunuan nito sa pulisya para sa seguridad ng mga lugar sa palibot nila.
Samantala, nauna nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nasa 23,000 pulis ang ipakakalat nila sa buong bansa, partikular sa mga lugar na malapit sa mga paaralan habang 9,500 ang itatalaga ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila.