Manila, Philippines – Pinareresolba ng isang mambabatas ang problema sa tumataas na dropout rate sa mga high school students sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga night schools sa buong bansa.
Sa House Bill 1825 na inihain ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ay pinagbubukas ang mga elementary at high schools ng night shift classes upang mabigyang pagkakataon ang mga working students na makapag-aral sa gabi at tuluy-tuloy na makapagtapos sa kanilang edukasyon.
Marami aniya sa mga mag-aaral ang kulang sa pinansyal at kinakailangang suportahan ang pamilya dahilan kaya nagda-drop ang mga ito sa klase at ipinagpapatuloy ang pagtatrabaho.
Sa tala ng Department of Education, nasa 4.8 million ang out of school youth kung saan 11% ang itinaas kumpara sa nakalipas na limang taon.
Nililinaw naman ng panukala na isang night high school lamang ang bubuksan sa bawat distrito upang mabigyang pagkakataon ang lahat ng mga estudyante na sa gabi lamang may panahon makapag-aral.
Ang mga guro naman na magtuturo sa night school ay makakatanggap ng nararapat na kompensasyon at overtime pay.