Naglunsad ng serye ng nighttime inspections ang mga tauhan ng Urdaneta City Police Station sa iba’t ibang establisyemento sa lungsod upang tiyakin ang seguridad at maiwasan ang pagpasok ng mga intruder o sinumang walang pahintulot matapos ang oras ng operasyon.
Sa routine inspection, sinuri ng kapulisan ang mga saradong negosyo upang matiyak na maayos ang lock systems, walang palatandaan ng forced entry, at ligtas ang paligid ng mga gusali—lalo na sa mga oras na walang tao at pinakamadaling mapasok ng masasamang elemento.
Layunin ng operasyon na mahadlangan ang kriminalidad, maprotektahan ang mga ari-arian ng mga negosyante, at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lungsod sa kalagitnaan ng gabi.
Ayon sa Urdaneta City Police, magpapatuloy ang ganitong mga inspeksyon bilang bahagi ng kanilang proactive security measures upang matiyak na nananatiling ligtas ang mga komunidad at establisimyento sa lungsod.









