Manila, Philippines – Ipinagmamalaki ng Malacañang na naging ‘productive’ ang Duterte Administration kumpara sa mga nakaraang pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, si Pangulong Rodrigo Duterte ay nakapaglagda ng 133 batas, kabilang ang ilang mahahalagang panukala mula nang umupo ito noong 2016.
Mula sa higit 100 measures, 39 rito ay national laws habang 94 ay local laws.
Base aniya ito sa listahan ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO).
Mas mataas ito kumpara sa 28 batas na napirmahan lamang ng kanyang hinalinhan na si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Patunay aniya ito na mas maraming nagawa ang kasalukuyang administration pagdating sa policy-making.
Kabilang sa mga batas na napirmahan na ng Pangulo ay ang pagbabawal sa anumang uri ng hazing, pagtatag ng national feeding program at mental health policy law.
Kasama rin dito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na nagpapababa ng personal income tax habang tataasan naman ang buwis sa langis, sasakyan at matatamis na inumin.
Nilagdaan din ni Duterte ang universal access to quality tertiary education na nagbibigay ng libreng matrikula sa state universities at colleges.
Si Duterte rin ang nagpirma ng batas na nagbibigay ng libreng irigasyon sa mga magsasaka na mayroong pagmamay-ari ng walong ektaryang lupa.
Ang Ease of Doing Business Act ay pinirmahan din ng Pangulo na layong mapabilis ang proseso at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan.