Nilagdaang MOA sa pagitan ng COMELEC at PTFoMS, layong masiguro ang kaligtasan ng media sa darating na 2025 midterm elections

Lumagda ng kasunduan ang Commission on Elections (Comelec) at ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) para masiguro ang kaligtasan at karapatan ng mga mamamahayag na magko-cover sa darating na halalan.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Usec. Paul Gutierrez, bahagi ito ng hangarin ng pamahalaan na magkaroon ng ligtas na media environment para sa lahat ng mamamahayag sa bansa lalo na tuwing eleksiyon.

Ang naturang memorandum of agreement sa pagitan ng dalawang ahensiya ay unang pagkakataon mula sa isang constitutional body at ng PTFoMS na nakatutok naman sa pagsiguro ng kaligtasan ng mga mamamahayag.


Sa ilalim nito, pinagbabawalan ang anumang banta, harassment, illegal detention, torture at karahasan laban sa sinumang miyembro ng press.

Ayon naman kay Comelec Chairman George Garcia, pumayag siya sa paglagda ng MOA lalo’t ganito rin ang dinaranas ng mga poll worker lalo na tuwing halalan.

Magiging epektibo ang MOA simula sa filing ng certificate of candidacy hanggang sa June 11, 2025 o pagtatapos ng election period.

Sinumang media practitioner na makakaranas ng paglabag sa kaniyang karapatang pantao ay hinihikayat na agad i-report sa PTFoMS bago makipag-ugnayan sa Comelec upang agad maaksyunan.

Facebook Comments