Nilalaman ng Maharlika Investment Fund Bill, hindi dapat binago o ginalaw ng Senate Secretariat

Hindi dapat binago o pinakialaman ng Senate Secretariat ang nilalaman ng pinal na inaprubahan sa plenaryo na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, kung siya man ay matatawag na beteranong senador sa kanyang pagkakaintindi mula noon pa ay hindi maaaring baguhin o ibahin ang isang panukala na dumaan na sa pinal na pag-apruba ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Aniya pa, kahit period at coma ay hindi dapat mabago dahil maaaring maiba ang content o thought ng isinusulong na panukalang batas.


Kung ano ang pinagtibay sa Bicameral Conference Committee o kung anuman ang in-adopt sa plenaryo ay dapat pinanatili na lamang iyon ng Senado.

Sakali namang may kumwestyon sa constitutionality ng Maharlika B3ill sa Korte Suprema ay hindi naman pupwedeng pigilan ito.

Sang-ayon naman si Estrada sa ibinigay na remedyo ni dating Senator Franklin Drilon na kapag nilagdaan ng pangulo ang MIF Bill ay maaaring maghain ng amyenda ang Kongreso para itama ang lalamanin ng magiging batas.

Matatandaang naging kontrobersyal sa pinagtibay na MIF Bill ang dalawang nagbabanggaang probisyon ng panukala patungkol sa prescriptive period para sa panahon na pwedeng habulin ang mga aabuso o lalabag sa Maharlika Fund.

Ang Senate Secretariat ang naglatag ng pagbabago sa bill kung saan pinag-merge o pinagsama ang Sections 50 at 51 at inalis ang 20 taon na prescriptive period habang nanatili sa panukala ang 10 taong prescriptive period.

Facebook Comments