Manila, Philippines – Nais lamang ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na iligtas ang mga taong ginagawang bahay ang mga kalye o kalsada, mga ilalim ng puno at mga bakanteng gusali sa kapahamakan.
Ito umano ang mga dahilan kung bakit nais ni Erap na iligtas ang mga palaboy sa aksidente, mabigyan sila ng matitirhan, bigyan sila ng makakain at mabigyan sila ng gamot na kailangan nila.
Ayon kay Bambi Purisima Manila PIO yan umano ang mga dahilan kung bakit madalas na iniikot ng mga tauhan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) head Ms. Nanet Tanyag ang mga kalye partikular ang kahabaan ng Roxas Blvd., Vito Cruz, Quirino Ave., ang Distrito 3 na sumasakop sa Binondo, Quiapo, San Nicolas, at Sta. Cruz, at sa Distrito 5 sa Ermita, Malate, Paco, Port Area, Intramuros at San Andres Bukid.
Paliwanag ni Purisima ang mga ni-rescue na street dwellers o mga palaboy ay dinadala sa Manila Boystown Complex sa Marikina City, na pinatatakbo ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na pansamantalang tinitirhan nila, at ang mga bata ay inienrol sa Fugoso Integrated School.
Sa pasilidad na ito, ang mga palaboy ay pinadadamitan, pinapakain, ginagamot at tinuturuan umano ng mga kaalaman sa hanapbuhay.
Giit ni Purisima kung marunong na sa pinag-aralang hanapbuhay, ang mga ito ay tinutulungan ng Public Employment Service Office o PESO na magkatrabaho.