NILINAW | Abogado ni dating DOT Secretary Teo, nilinaw na wala siyang kinalaman sa naging pahayag ni Ben Tulfo

Manila, Philippines – Nilinaw ngayon ni Atty. Ferdinand Topacio na wala siyang kinalaman sa naging pahayag ni Broadcaster Ben Tulfo hinggil sa isyu nang Advertisement Contract na nagkakahalaga ng 60 million pesos.

Sa isang Presscon sa Manila sinabi ni Atty. Topacio na ang kanyang kliyente ay si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo at hindi si Ben na nauna nang naglabas ng kanyang pahayag na hindi niya ibabalik ang binayad sa kanya ng Tourism Office na 60 million pesos.

Matatandaan na una nang sinabi ni Atty. Topacio na ibabalik ng mga Tulfo ang nasabing 60 million pesos na kontrata sa DOT.


Dahil dito ay nilinaw ni Topacio na ang kanyang naunang pahayag ay patungkol sa utos ng kanyang kliyente na si dating Secretary Wanda Teo at kung ito aniya ay walang katotohanan ay sana dati pa ito pinasinungalingan ng kanyang kliyente.

Aniya tanging si Mon Tulfo lang ang pumalag sa kanyang naunang pahayag na tinawag ng abugado na pag epal sa naturang kontrobersyal na isyu.

Ayaw din naman pakialaman ni Topacio ang naging desisyon ni Ben pero giit nito ay nagkausap sila noon patungkol sa nasabing isyu.

Paliwanag ni Atty. Topacio ang naging pahayag ni Ben ay sa kanya lamang at kanyang konsensya at wala siyang kinalaman dito.

Paglilinaw pa nito ay siya lamang ay mensahero at nag anunsyo lamang ng naunang napag usapan nila ni Teo.

Matatandaan na na-isyu ang magkakapatid na Tulfo matapos maglagay ng Ads ang Dept. Of Tourism sa program ni Ben Tulfo na umiere sa PTV 4 kung saan sinasabing ito ay Conflict of Interest.

Facebook Comments