Miyembro ng Abu Sayyaf Group ang suspek sa pagpapasabog ng Improvised Explosive Device (IED) na nasa loob ng van sa Lamitan City, Martes ng umaga.
Sa interview ng RMN DZXL Manila, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Edgard Arevalo na malabo pa na masabi sa ngayon na suicide bomber ang suspek at posibleng nag-panic lang ito dahil sa naharang siya sa checkpoint kaya aksidenteng napindot niya ang triggering device.
Ang suspek aniya na nasawi rin sa pagsabog ay tauhan ni ASG lider Furuji Indama na nag-o-operate sa Basilan.
Sabi ni Arevalo, bago pa mangyari ang pagsabog ay may mga intel report na silang natatangap na magpapakalat ng IED ang ASG kaya mas naging alerto ang kanilang hanay.
Kasabay nito, nilinaw ni Arevalo na siyam ang kumpirmadong bilang ng nasawi, taliwas sa unang napaulat na labing isa.
Patuloy namang inaalam ng AFP kung anong uri ng pampasabog ang ginamit ng ASG at sangkap nito.