Manila, Philippines – Hindi pa masabi ngayon ng Palasyo ng Malacanang kung ano ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kapalaran ng Boracay Island.
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap na rin ng mga lumalabas na rekomendasyon na dapat ipasara muna ang Boracay para ayusin ang mga establisyimento doon.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang 60 araw na deadline na ibinigay ni Pangulong Duterte ay para kay Environment Secretary Roy Cimatu na magsagawa ng imbestigasyon at makapaglabas ng rekomendasyon kaugnay sa problemang kinakaharap ng Boracay.
Sa ngayon aniya ay nagsasagawa palamang ng mga paunang pagngangalap ng impormasyon ang Department of Environment and Natural Resources at wala pang katotohanan ang balita na ipasasara ang buong isla.
Pagkatapos aniya ng deadline ni Pangulong Duterte ay saka palamang doon mag dedesisyon ang pangulo base sa mga resulta ng imbestigasyon at mga rekomendasyong ilalatag ni Secretary Cimatu.