Manila, Philippines – Nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may halaga o tinantaggap pa rin ang mga commemorative coins bilang pambayad sa mga produkto at serbisyo.
Sa pahayag ng BSP, maari pa ring gamitin ang mga commemorative coins kasama ang mga inisyu nitong perang papel at barya.
Pero hindi na maaring tanggapin ang mga commemorative coin kung ito ay na-demonitized.
Ang mga commemorative coins ay idinisenyo sa limitadong bilang lamang para ipakita ang mga mahahalagang pangyayari, bigyang pagkilala ang legasiya ng isang namatay na tao, Philippine landmarks o adbokasiya.
Sa ngayon, nasa 45 commemorative coins ay nananatiling legal tender at nasa sirkulasyon pa.
Pero 30 rito ay sasailalim na sa demonetization o mawawalan na ng halaga pagkatapos ng April 30, 2019 at maituturing na demonetized pagdating ng May 01, 2020.
Muli ring inihayag ng BSP na buong ipinatutupad na ang paglalabas sa sirkulasyon ng New Generation Currency (NGC) coins.
Ang NGC coins ay mayroong anim na denominasyon: 10-piso, 5-piso, 1-piso, 25-sentimo, 5-sentimo at ang 1-sentimo.