Manila, Philippines – Nilinaw ni Education Secretary Leonor Briones na mayroon nang nagpapatuloy na drug testing program ang ahensya na nagsimula noong school year 2017-2018.
Ito ang tugon ng kalihim matapos imungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagkakaroon ng mandatory drug test sa mga estudyante mula elementary, secondary at tertiary sa mga pribado at pampublikong paaralan.
Ayon kay Briones, sakop ng random drug test ang 1,300 officers at personnel ng DepEd central office, 3,800 mula sa kanilang mga regional offices, 26,000 indibidwal mula sa mga schools division offices, sampung libong mga guro at 21,000 random high school students.
Habang sa mga elementary students, ipinunto ni Briones na base sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kanilang palalakasin ang kanilang curriculum para sa drug education.
Giit ng kalihim, sa umiiral na batas ang mga maari lamang isailalim sa drug test ay mga nasa high school pataas at hindi nito sakop ang mga estudyante na nasa elementarya pa lamang.
Kasunod nito nais makipagpulong ni Briones kay PDEA Director General Aaron Aquino upang pag-usapan ang kanilang pinaplano na idamay sa drug test ang nasa elementarya mula grade 4 nang sa gayon ay walang malabag na karapatang pantao.