NILINAW | DOLE – Iginiit na dumaan sa tamang proseso ang pagrescue sa ilang OFW sa Kuwait

Manila, Philippines – Nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagkaroon ng maayos na koordinasyon bago isinagawa ang rescue mission sa mga Overseas Filipino Workers sa Kuwait.

Kasunod ito ng nagviral na video ng pagrescue sa ilang Pinoy workers kung saan naghain ng diplomatic protest ang Kuwaiti government.

Sa interview ng Rmn Manila kay Bello, sinabi niyang responsibilidad ng Embahada ng Pilipinas at Philippine Overseas Labor & Office na iligtas ang mga kababayan nating inaabuso sa ibayong dagat.


Ayon kay Bello, nakausap na niya si Ambassador Renato villa at ipinaliwanag nitong dumaan sa proseso ang hakbang ng Philippine rescue team.

Hati naman ang opinyon ng mga mambabatas hinggil sa kinasangkutang gusot ni Ambassador Villa.
Para kay Senator Cynthia Villar, mas makabubuting i-recall o pabalikin na lamang sa Pilipinas si Ambassador Villa para wala ng gulo.

Sa panig ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na naplantsa na ang gusot dahil isinaalang-alang pa rin ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait.

Tiniyak din ni Roque na malalagdaan na sa Hulyo na ang Memorandum of Agreement (MOA) na siyang poprotekta sa mga OFWs.

Facebook Comments