Manila, Philippines – Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi kabilang sa qualifications para tumakbo sa isang elective position ang yaman ng isang kandidato.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez – hindi madidiskwalipika ang isang tumatakbong political aspirant dahil lamang sa kanyang financial status.
Sa madaling salita aniya, mahirap man o mayaman ay pwedeng tumakbo at maghain ng kandidatura.
Ginawa ng poll body ang paglilinaw sa gitna ng mga isinusulong na petisyon na i-disqualify ang guro at abogadong si Angelo De Alban na tumatakbo sa pagkasenador sa 2019 midterm elections.
Inaasahang ilalabas ng Comelec ang tentative list ng mga kandidato sa November 19 habang ang pinal na listahan ay sa Disyembre.
Nabatid na umabot sa 152 tao ang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) para maging senador, habang nasa 185 party-list groups ang nagsumite ng kanilang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).