NILINAW | Justice Secretary Guevarra, may paglilinaw sa panuntunan sa mga opisyal ng gobyerno na may share sa mga pribadong kumpanya

Manila, Philippines – Walang nakikitang iligal si Department of Justice Secretary Menardo Guevarra kung ang isang public servant ay mayroong share sa isang kumpanya.

Pero dapat aniya ay hindi aktibo sa operasyon o pangangasiwa ng kumpanya ang opisyal ng gobyerno.

Paliwanag ni Guevarra, ang ipinagbabawal sa ilalim ng batas ay kung ang opisyal ng gobyerno ang mismong nagpapatakbo sa kumpanya.


Aniya, maraming mga opisyal ng gobyerno na may investment sa malaking kumpanya at dahil pinili nilang ilagay ang kanilang savings sa porma ng investment, wala siyang nakikitang iligal sa ganitong kalakaran.

Ginawa ni Guevarra ang pahayag sa gitna pa rin ng kontrata ng Vigilant Investigative and Security Agency Incorporated (VISAI) na pag-aari ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida sa ilang ahensya ng gobyerno, kabilang na ang DOJ.

Kahapon ay mismong si Pangulong Duterte na ang nagdepensa kay Calida na nagsabing hindi niya sisibakin ang solicitor general dahil wala siyang nakikitang iligal kung ang opisyal ng gobyerno ay mayroon mang negosyo lalu na kung sila ay nag-divest na sa kumpanya.

Nauna nang nilinaw ni Calida na nagbitiw na siya bilang chairman at presidente ng VISAI noon pang May 30, 2016 o isang buwan bago siya magsimulang manungkulan sa OSG noong Hulyo 2016.

Facebook Comments