NILINAW | Malacañang, naglabas ng paglilinaw sa inilabas na pahayag kaugnay sa presyo ng NFA rice sa merkado

Manila, Philippines – Nilinaw ngayon ng Palasyo ng Malacañang na hindi pa pala nailalabas sa merkado ang bigas na binili ng Pamahalaan mula sa Thailand at sa Vietnam.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque matapos nitong inanunsiyo sa kanyang press briefing kanina na nasa merkado na ang 250 libong metriko toneladang bigas ng National Food Authority na binili ng Pamahalaan.

Binabawi din ni Roque ang kanyang naging unang pahayag na nasa 36 hanggang 38 pesos kada kilo ang NFA Rice sa Merkado.


Paglilinaw ng Kalihim, ang 36-38 pesos kada kilo ay ang presyo ng commercial rice sa merkado at ang NFA Rice ay naglalaro lamang sa 27 hanggang 32 pesos kada kilo.

Nilinaw din nito na bagamat nasa bansa na ang biniling bigas ay hindi pa ito naikakalat sa merkado dahil nasa pantalan pa sa Subic ang mga ito dahil sa matinding pag-ulan noong nakaraang Linggo.

Pero binigyang diin din naman nito na kahit hindi pa nailalabas sa merkado ang biniling bigas ng Pamahalaan ay nagsimula nang bumaba ang presyo ng commercial rice sa pamilihan.

Facebook Comments