Manila, Philippines – Hindi sumuko, sa halip ay inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Customs broker na si Mark Taguba.
Ito ang nilinaw ng NBI nang iprisinta nila sa media si Taguba kanina.
Ayon kay NBI Spokesperson at Deputy Director Ferdinand Lavin – bago pa man nai-turn over ng senado si Taguba sa NBI ay nauna nang nakapaglabas ng arrest warrant laban sa kanya.
At dahil paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kasong kinahaharap ni Taguba, walang inirekomendang piyansa ang korte.
Martes nang maglabas ng warrant of arrest si Judge Rainelda Estacio Montesa ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 laban kay Taguba at pitong iba pa dahil sa pagkakasangkot niya sa nakalusot na P6.4-billion shabu shipment mula China.
Samantala, matapos ang pagkakaaresto kay Taguba, dalawa pang kapwa niya akusado ang nagpahayag na umanong sumuko sa NBI.
Tumanggi naman ang NBI na pangalanan sila.