Manila, Philippines – Binigyang diin ngayon ng Palasyo ng Malacañang na hindi parte ng Gabinete, Presidential adviser o empleyado ng Office of the President at ano pa mang posisyon sa gobyerno ang negosyanteng intsik na si Michael Yang.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, ang mga Presidential Adviser ay kadalasang mayroong cabinet rank pero si Yan ay isang consultant-adviser na nakatatanggap lamang ng piso kada taon at nasa ilalim ng isng simpleng kontrata na mayroong fixed term.
Dagdag pa nito, hawak ni Yang ang buong tiwala ni Pangulong Duterte pero tiniyak din naman ni Panelo na hindi kailan man naiimpluwensiyahan ni Yang ang anomang polisiyang ipinatutupad ng Pangulo sa bansa.
Sinabi din ni Panelo na hindi na kailangan pang dumaan sa bidding ang serbisyo ni Yang dahil ito ay mayroong technical know-how sa pagpapatakbo ng negosyo at pinapayagan aniya ito ng Republic Act number 9184 kung saan sinasabi na hindi na kailangang dumaan sa bidding ang pag-hire ng isang highly technical consultants.
Kaya naman sinabi ni Panelo na hindi nagsinungaling si Pangulong Duterte nang sabihin nito na hindi niya itinalaga si Yang dahil wala namang appointment paper na nilagdaan ang Pangulo para dito at tanging kontrata lamang ang mayroon ito sa gobyerno.