Manila, Philippines – Maging ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) ay pinalagan ang pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na sapat na sa isang pamilya ang sampung libong piso na budget kada buwan.
Sa interview ng RMN DZXL Manila kay NAPC Convenor Liza Masa, hindi sasapat ang 10,000-pesos kada buwan o 335-pesos kada araw para mabuhay ng disente ang isang pamilya.
Batay sa isinusulong ng Ibon Foundation, aabot sa 1,164-pesos ang kinakailangan ng isang pamilya araw-araw .
Una nang nilinaw ng NEDA na halimbawa lang ang P10,000 na buwanang budget.
Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, nais lang nila ipakita kung papaano mabubuhay ang pamilya na kumikita ng minimum wage sa gitna ng kasalukuyang inflation rate.
Aniya, may sinusunod silang international convention na siyang sumusukat kung kailan matatawag na mahirap ang isang pamilya.
Sa 4.6 porsiyentong inflation, sinabi ng NEDA na 11 porsiyento lamang mula rito, o P52, ang dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.