Manila, Philippines – Nilinaw ng Palasyo ng Malacañang na hindi naman binibigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng deadline ang Kamara para pag-usapan o talakayin ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito ang sinabi ng Malacañang matapos ang pahayag ni Pangulong Duterte na nais niyang hilingin sa Kamara na tanggapin ang mga suhestiyon para sa BBL para agad na itong maisabatas.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi naman sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang magkaroon ng Special Session dahil ang sinabi lang aniya ng Pangulo ay kung kakailanganin lang nito.
Hindi din naman aniya minamadali ng Pangulo ang Kamara na talakayin at isabatas ang BBL ngayong taon dahil ito ay isang kapantay na sangay ng gobyerno kaya naman bahala na aniya ang mga mambabatas kung kailan ito matatalakay.
Pero batay naman aniya sa impormasyong nakuha niya mula sa Office ng the Presidential Adviser on the Peace Process ay posibleng sa marso na maipasa sa Kamara ang BBL at saka ito maiaakyat sa Senado.