Manila, Philippines – Nilinaw ni MPD District Director Chief Supt. Joel Coronel na walang kinalaman sa iligal na droga ang pagkamatay ni SPO1 Teodorico Arabe Jr. nakatalaga sa Manila District Traffic Enforcement Unit ng MPD na pinagbabaril ng riding in tandem noong Sabado ng gabi sa Yuseco Street kanto ng Sta. Cruz, Manila.
Ayon kay Coronel, matagal ng nakatalaga sa Traffic Enforcement Unit si SPO1 Arabe kaya malabong may kinalaman sa iligal na droga ang motibo sa pagpaslang sa naturang pulis.
Paliwanag ng heneral, mayroon ng lead ang Homicide Section ng MPD at Criminal Investigation Unit pero hindi muna nila ibubunyag kung ano ang magiging resulta ng imbestigasyon hanggat hindi pa mareresolba ang kaso.
Matatandaan na noong Sabado alas 10:30 ng gabi nakatayo si SPO1 Arabe at naninigarilyo naman ang kasama nitong kagawad na si Gimillano Ajon sa harapan ng bakery nang biglang dumating ang dalawang motorsiklo lulan ang apat na kalalakihan na walang kaabog-abog na pinagbabaril ang pulis at kagawad saka mabilis na tumakas.