Manila, Philippines – Nilinaw ngayon ni Manila City Jail Spokesperson Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera na 24 oras ang ginagawang pagbabantay ng medical personnel ng Manila City Jail (MCJ) sa mga presong dinadala sa kanila na nagtataglay ng mga sakit.
Ang naturang hakbang ay kasunod ng pagkamatay ni Gerry Galuran, ang preso sa MCJ na namatay dahil sa sakit na Necrotizing Fasciitis o sugat na naaagnas noong hatinggabi ng Hulyo 8.
Ayon kay Bustinera na noong ilipat sa kanila si Galuran ay mayroon ng taglay na sugat sa kalamnan, likod base sa Medical Certificate na isinumite ng Manila Police.
Paliwanag ng opisyal na sa ngayon nakikipag-ugnayan aniya ang MCJ sa Manila Police District (MPD) Station 9 upang matunton ang pamilya na yumaong si Galuran.
Nabatid na si Galuran ay inaresto ng pulisya noong June 13, 2018 dahil sa kasong Illegal Gambling, nasentensiyahan ng Metropolitan Trial Court at noong July 5 ay pinalipat sa MCJ sa pamamagitan ng commitment order na inisyu ng Korte.