STORY – Palasyo binigyang diin na hindi inaabswelto ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Pangulong Noy-Noy Aquino.
Nilinaw ng Palasyo ng Malacañang na hindi inaabswelto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon sa issue ng Dengvaxia o ang Anti-Dengue Vaccine.
Ito ang sinabi ng Palasyo sa harap na rin ng naging pahayag ni Pangulong Duterte kahapon kung saan sinabi nito na naiintindihan niya ang naging hakbang ng nakaraang administrasyon para ipatupad ang Anti-Dengue Vaccine Program lalo pa at kung may pangangailangan talaga noong panahong iyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mayroon lang namang makakasuhan kung mayroong mapatutunayang kapabayaan o nagkulang sa issue ng anti-dengue vaccine.
Hindi din naman aniya ibig sabihin ng sinabi ni Pangulong Duterte na wala nang makakasuhan o sinomang inaabsuwelto nito ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon dahil kung maryoon talagang pagkakamali ay dapat talagang maparusahan.
Binigyang diin nito na hahayaan nalang nilang matapos ang imbestigasyon ng Senado at ng Department of Justice sa nasabing usapin.