Manila, Philippines – Nilinaw ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi nila ipinupursige ang sistemang Federal sa pamamagitan ng tinatawag na RevGov o ‘Revolutionary Government.’
Ginawa ng liderato ng DILG ang paglilinaw bilang reaksyon sa umano ay naging pahayag ni Interior Undersecretary Epimaco Densing III nang dumalo ito sa isang aktibidad sa Butuan City kung saan kailangan umano ang RevGov bilang paraan ng ‘transition’ sa Federal system.
Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año, ang statement ni Densing ay maituturing na kanyang personal na opinyon at hindi sa ahensya bilang honorary chairman ng grupong mula sa masa Duterte movement.
Hindi rin aniya totoo ang pagbuo sa isang ‘people’s council’ na ang pangunahing misyon umano ay panatilihin pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte hanggang sa panahon na maitatag ang bagong sistema ng gobyerno.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Año na ang opisyal na posisyon ng kagawaran ay palakasin ang information campaign patungkol sa Pederalismo gamit ang draft federal constitution ng binuong Consultative Committee ng Pangulo.
Nangangahulugan ito ayon sa DILG Chief nang pagsusulong sa adbokasiya ng Federal system sa pamamagitan ng ‘constitutional means’ o naaayon sa mga probisyong nakasaad sa 1987 constitution kabilang na dito ang mga proseso.
Dagdag pa ni Año na ang paglilibot ng DILG sa iba’t ibang bahagi ng bansa na may kinalaman sa federalism roadshow ay hindi naglalayong ipanawagan ang pagkakaroon ng revolutionary government.
Pinakahuli na sa serye ng pagtitipon na ito ay sa CARAGA region na isinagawa sa nakalipas na Linggo; una nang nagkaroon ng roadshows sa Dumaguete, Baguio, Cebu, Legazpi, Davao at Tacloban