Manila, Philippines – Humarap ngayon sa Malacañang Presscorps si dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque sa huling pagkakataon.
Nagpasalamat si Roque sa media at inihayag din nito ang kanyang pagtakbo sa halalan pero hindi sa pagka-senador kundi bilang nominee ng isang partylist na Luntiang Pilipinas Environment partylist na kanyang ihahain bukas sa Commission on Elections (Comelec).
Inamin ni Roque na masikip ang kanyang tsansa sa Senado lalo pa at 7 ang re-electionist habang kailangan ding ikonsidera ang pondo sa pagtakbo.
Pinasinungalingan din naman ni Roque na binitiwan siya ng Pangulo na nakausap naman aniya niya kahapon at maayos naman aniya ang kanilang naging paghihiwalay.
Pinasalamatan din ni Roque ang Pangulo sa alok sa kanyang maging Office of the Press Secretary (OPS) ngunit sinabi niyang hindi siya ang tamang indibidwal na mailagay sa posisyon gayung hindi siya nagmula sa larangan ng pamamahayag.