Manila, Philippines – Binigyang diin ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na wala siyang nararamdamang sama ng loob kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ni Roque sa harap na rin ng issue ng kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Duterte kung saan lumalabas na hindi nasabihan ang kalihim na nagpunta ang Pangulo sa ospital para magpagamot kaya lumalabas aniya na siya ay nagsinungaling sa publiko gayong hindi aniya niya talaga alam ang pangyayari.
Ito na rin ang sinabi ni Roque sa harap ng kanyang naging pahayag na pag-iisipan niya ngayong weekend kung ipagpapatuloy pa niya ang kanyang trabaho bilang tagapagsalita ng Pangulo.
Ayon kay Roque, walang siyang anomang bahid ng pagtatampo o anomang hindi magandang nararamdaman para kay Pangulong Duterte.
Pero sinabi ni Roque na mahirap ipagpatuloy ang kanyang trabaho ngayon dahil kailangang nagtitiwala ang publiko sa kanyang mga sinasabi pero dahil aniya sa insidente ng kalusugan ni Pangulong Duterte ay posibleng wala nang maniwala sa kanya.
Matatandaan naman na sinabi ni Pangulong Duterte na bibigyan niya ng bagong trabaho si Roque at pinayuhang huwag nalang tumakbo sa 2019 elections dahil hindi naman aniya ito mananalo dahil ayaw sa kanya ng mga sundalo.