Nilinaw naman ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na hindi isasabay sa joint session tungkol sa martial law ngayong araw ang usapin sa charter change.
Ito ay matapos lumusot sa Mababang Kapulungan sa ikatlo’t pinal na pagbasa ang draft federal charter.
Ayon kay Arroyo, nasa Senado na ang bola sa pagpasa nito.
Sa ilalim ng panukala, mananatili sa federalism ang presidential form ng gobyerno.
Magiging apat na taon na ang isang termino ng mga halal na opisyal kabilang ang kongresista, senador, pangalawang pangulo at presidente.
Ang Pangulo ay maaring muling iboto sa ikalawang termino habang aalisin naman ang term-limit ng iba pang opisyal.
Mahigpit namang requirement sa mga tatakbong kongresista, senador, vice president at president na kailangang college graduate.
Ang running mate naman ng mananalong pangulo ang otomatikong magiging bise presidente.
Gagawin din sa ilalim ng bagong saligang batas na two-party system na lamang sa bansa.
Inalis naman sa inaprubahang panukala ang pagbabawal sa political dynasty.
Ang Kongreso naman ang magpapasya sa pagbuo ng federal states at hindi naman bababa sa 300 ang magiging kinatawan ng Mababang Kapulungan.