Manila, Philippines – Muling iginiit ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na ‘wellness leave’ ang ginawa ng Punong Mahistrado sa ilalim ng wellness program para sa lahat ng justices ngayong 2018 at hindi indefinite leave.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, nilinaw ni spokesperson, lawyer Jojo Lacanilao sa mga naglalabasang ulat na hiniling ng SC en banc kay Sereno na maghain na ng indefinite leave simula sa Marso a-1.
Giit ni Lacanilao, matagal nang na-schedule ang wellness leave ni Sereno sa orihinal na date na Marso 12-23 pero nagdesisyon na i-advance na lang ito sa Marso 1 hanggang 15 para makapaghanda sa Senate trial.
Tiniyak pa ng kampo ng Chief Justice na ginawang pagbakasyon ni Sereno ay hindi magtuloy-tuloy sa kanyang resignation.
Naniniwala kasi ito na isang istitusyon lamang ang maaaring makapagpaalis sa kanya sa pwesto at ito ay ang Senado.
Ito rin ang magdedesisyon kung siya ay guilty at not guilty sa kanyang kinakaharap na kaso.
Ang Senado din ang tamang lugar para siya ay magsalita at sabihin ang katotohanan sa lahat ng alegasyon.
Hanggang ngayon kasi, nanindigan pa rin si Sereno na inosente siya sa kaso at walang basehan ang reklamo laban sa kanya.
Sinabi pa ni Lacanilao, kung sakali mang guilty ang magiging desisyon ng Senado, wala pang isang araw ay agad daw babakantehin ng Punong Mahistrado ang pwesto.