
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mababawi at maibabalik sa kaban ng bayan ang perang ninakaw sa mga maanomalyang flood control project ng pamahalaan.
Ito ay matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa 10 pangunahing sangkot, kabilang ang kontratistang si Sarah Discaya, kaugnay ng ₱96.5 milyong ghost flood control project sa Davao Occidental.
Ayon sa Pangulo, ang mga akusado ay nahaharap sa kasong graft at malversation na hindi maaaring piyansahan, kaya’t hindi sila basta makalalaya.
Ibinunyag din ni Pangulong Marcos na walo pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagpahayag ng kahandaang sumuko kaugnay ng kaso.
Binigyang-diin ng Pangulo na simula pa lamang ito ng mas malawak na paglilinis sa mga iregularidad sa flood control projects sa buong bansa, at pananagutin ang lahat ng sangkot upang mabawi ang pera ng taumbayan.









