NINJA COPS | Mga binubuong grupo ng mga tinaguriang ninja cops binabantayan ng PNP-AKG

Manila, Philippines – Mahigpit na mino-monitor ngayon ng PNP Anti-Kidnapping Group ang iba’t-ibang grupo partikular ang mga binubuo ng mga tinaguriang ninja cops.

Ayon yan kay PNP Anti-Kidnapping Group Police Chief Superintendent Glen Dumlao, hepe ng PNP-AKG ginawa nila ito matapos madiskubre ang aktibidad ng Siervo kidnapping group na kinasasangkutan ng nga bagitong pulis na pawang magkaklase at kabilang sa PNPA batch 2010.

Ayon kay Dumlao, bagaman at nakadestino sa iba’t-ibang himpilan ng pulisya ang Siervo group, magkakasama naman ang mga ito kapag ikinakasa na ang kanilang iligal na operasyon.


Modus ng naturang grupo na arestuhin ang kanilang mga biktima na sangkot sa illegal drug trade at sampahan ng kaso ng paglabag sa Section 5 ng Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sakaling makapag-piyansa ang mga ito at makalaya, sinabi ni Dumlao na saka ulit balikan ng grupo ni Siervo ang target suspect para pagka-perahan.

Sa huling monitoring ng PNP-AKG, nakalabas na sa bansa ang isa pang kasamahan ni PO1 Michael Siervo na si PO1 Ronald Carandang noong June 28, 2018 habang at large din si PO2 Jonathan Galang gayundin si Siervo.

Pinatay naman ng grupo ni Siervo ang kaklase nilang si P02 Gerald Bonifacio dahil nagka onsehan sila sa pera.

Facebook Comments