Ninoy Aquino Day, paalala ng pamumuno na may malasakit at konsensya —PBBM

Kaisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggunita ng Ninoy Aquino Day, na aniya’y nagbibigay-liwanag sa isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng pangulo na ang kasaysayan ay hindi lamang nag-uudyok ng reaksyon kundi humihikayat ng malalim na pagninilay, na nagbubukas ng mas malinaw na pag-unawa sa tungkulin ng bawat mamamayan.

Ayon sa Pangulo, sa kabila ng maraming taon ay dumaan na sa malalim na pagbabago ang Pilipinas, bagay na makikita sa mas malawak na pampublikong diskurso tungkol sa kapangyarihan at pagkamamamayan.

Bilang isang lider na lumaki sa tradisyong politikal, sinabi ng pangulo na para sa kanya, ang kasaysayan ay patuloy na nagbibigay ng aral at gabay kung paano dapat magsilbi, makinig, at pasanin ang bigat ng tungkulin para sa ikauunlad ng bansa.

Ang paggunita aniya ngayong araw ay paalala at imbitasyon upang mamahala nang may kahinahunan, konsensya, at malinaw na pananaw sa kinabukasan.

Sabi pa ng pangulo, nagiging tunay na makabuluhan ang ganitong pag-alala kung ang mga aral ng nakaraan ay maisasabuhay sa aksyon at sa moral na pundasyon ng mga institusyon ng lipunan.

Facebook Comments