Manila, Philippines – Iginagalang ni Secretary to the Cabinet Leoncio Jun Evasco ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin siya bilang Chairman ng National Food Authority Council.
Sa pahayag na inilabas ni Evasco ay sinabi nito na nagpapasalamat siya sa pagkakatalaga ng Pangulo sa kanya na pamunuan ang NFA council sa mahigit isat kalahating taon.
Ibinida ni Evasco na sa kanyang pamumuno ay maraming policy guidelines ang nabuo para matiyak ang transparency, pagiging competitive at pagkakaroon ng inclusive accountable system sa pagbili at pagdi-distribute ng NFA Rice na resulta ng mahigit 20 council meeting mula noong 2016.
Sa harap naman ng mga paninirang lumulutang laban sa kanya ay binigyang diin ni Evasco na sa kanyang mahigit 20 taong pagiging public servant mula sa pagiging Mayor ng Maribojoc, Bohol hanggang maging isang Cabinet Secretary ay wala ni isa man na kaso o reklamo sa kanya ang naisampa sa Ombudsman at sa Sandiganbayan.
Sinbi ni Evasco na hindi niya mababasag ang tiwala sa kanya at magandang relasyon niya kay Pangulong Duterte na nabuo sa maraming taong pagkakaibigan.
Isa din aniyang hamon para sa kanya ang paglalatag ng reporma sa NFA sa kabila ng mga paninira laban sa kanya pati na ng buong konseho.
Hinikayat nalang ni Evasco ang Department of Agriculture na ituloy ang kanyang mga nasimulang reporma sa NFA council at ito narin ang pamahon para sa NFA na maging tunay na kakampi ng mga magsasaka at ng sambayanang Pilipino.