NKTI, pinabulaanan ang kumakalat na mga larawan na nananatili sa labas ng ospital ang mga pasyente nito; Mga emergency tent, ipinadala ng PRC sa NKTI para magamit ng COVID-19 patients

Pinabulaanan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang kumakalat na mga larawan na nananatili sa labas ng ospital ang mga pasyente nito na karamihan ay mga matatanda.

Sinabi ni NKTI Executive Director Dr. Rose Marie Liquete, hindi sa labas ng ospital nananatili ang mga pasyente nila kundi sa mga tent na binuo ng pamunuan ng nasabing ospital dahil hindi agad maakyat ang ilang pasyente dahil puno na ang mga kwarto para sa COVID-19 patients.

Dagdag pa ni Dr. Liquete na karamihan sa mga kanilang pasyente ay naka-wheelchair at marahil noong kinagabihan ay naglagay ang mga ito ng mahihigaan dahil mahirap naman talaga matulog sa wheelchair.


Paliwanag pa niya, ilan sa mga pasyenteng naghihintay sa tent ay mga pasyenteng nag-aantay ng resulta ng kanilang RT-PCR swab test.

Base sa huling rekord, naabot na ng mga hospital sa Metro Manila ang 70% capacity para COVID- 19 positive patients habang lalo pang tumataas ang bilang ng mga nahahawaan sa National Capital Region (NCR).

Samantala, nagtayo na ng emergency tents ang Philippine Red Cross (PRC) sa naturang ospital sa Quezon City upang may mapaglagyan ng mga pasyenteng may COVID-19.

Ang 20 emergency tents na inilagay sa NKTI ay upang mabigyan ng matutuluyan ang mga pasyenteng hindi na ma-accommodate sa loob ng ospital dahil sa punuan.

Facebook Comments