Mariing itinanggi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na pinepersonal nila ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX).
Ito ay matapos na suspendihin kamakailan ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang business permit ng NLEX sa lungsod dahil sa matinding trapikong idinulot ng palpak na RFID system.
Nabatid na halos 40 milyong piso ang nawalang kita sa NLEX dahil sa ‘toll holiday’.
Pero sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Gatchalian na maging sila ay naapektuhan din naman ng tigil-operasyon ng expressway company.
“Ang nawawala nila 3 to 4 million daily dahil sa toll holiday. Ang sinasabi ng maraming tao baka masyadong galit lang tayo, napersonal, ang sagot namin hindi. It gives us no joy to revoke, suspend somebody’s permit kasi naaapektuhan din kami niyan,” ani Gatchalian.
Samantala, kahapon nang alisin na ng Valenzuela LGU ang suspensyon sa business permit ng NLEX matapos na magkasundo sa “barriers up” simula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-10:00 ng gabi.
Ibaba ang barriers sa RFID lanes mula alas-10:01 ng gabi hanggang alas 4:59 ng madaling araw para sa safety reasons.
Binigyan din ng hanggang Enero 30, 2021 ang NLEX para tapusin ang kanilang RFID system upgrade at tugunan ang reklamo ng mga motorista.
Kaakibat din nito ang pagbuo ng technical working group na binubuo ng LGU at mga tauhan ng NLEX na regular na magpupulong hanggang sa maisa-ayos ang mga problema sa traffic.
“Forever na ang usapan. Kung sa ibang bagay walang forever, dito may forever. “Barrier’s up” tayo kasi condition number one was “barrier’s up”. The moment you put that barrier down in those hours that we told you, consider yourself suspended,” banta ng alkalde.
Samantala, nagtalaga na ang Valenzuela LGU ng mga bantay sa mga toll plaza ng NLEX para matiyak na nasusunod ang “barrier-up agreement”.